Statement on the eve of the Ampatuan Massacre promulgation
Statement on the eve of the Ampatuan Massacre promulgation
By Photojournalists’ Center of the Philippines (PCP), Inc.
Walang kapantay ang buhay
Ang PCP ay kasama ng sambayanan na sampung mahabang taon na naghihintay para sa hustisya.
Hindi mapapantayan ng oras sa kulungan ang buhay ng 58-ng inosenteng sibilyan.
Walang kapantay ang buhay.
Sa panahon na bumaba ang pagpapahalaga sa buhay ng tao, pinapa-alala ng 58-ng namatay sa Maguindanao - na bumababa ang halaga ng buhay kapag may pagmamalabis sa mga nanunungkulan.
Walang kapantay ang buhay.
Dumaan at lumipas ang sampung taon. Dumaraan at lumilipas ang mga nasa poder. Pero walang makakapagbalik sa nawala sa pamilya ng 58-ng tao na pinaslang.
Walang kapantay ang buhay.
Kapag hindi natin pinahalagahan at inalala ang pagkamatay ng 58, paano na lang ang pinatay at pinapatay na isa, dalawa o tatlo?
Walang kapantay ang buhay.
Hindi natin maibabalik ang buhay ng 58, pero puwede nating mapanatili ang pagpapahalaga sa naiiwan pang lumalaban para sa tunay na malayang pamamahayag -- kung lagi nating aalalahanin na walang kapantay ang buhay.
Buhay ang malayang pamamahayag kung patuloy nating aalalahannin ang mga nagsakripisyo para manatiling malaya ito.
Magandang gabi po at bantayan natin ang ating kalayaan.